PatrolPH

Dagdag-singil ng Maynilad, Manila Water sa Enero, pinakakansela

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2020 07:49 PM

Dagdag-singil ng Maynilad, Manila Water sa Enero, pinakakansela 1
ABS-CBN News/File

MAYNILA - Nananawagan ang grupong Laban Konsyumer na dapat kanselahin nang tuluyan ang dagdag-singil ng Maynilad at Manila Water sa taong 2021, sa halip na iurong ito. 

Para kay Laban Konsyumer President Victor Dimagiba, baka kasi ipatong lang din ng dalawang water concessionaire ang mga inuurong na dagdag-singil pagdating ng taong 2022. 

Watch more on iWantTFC

"Marami pong mga listahan ng proyekto na dapat ginawa ng Maynilad at Manila Water, eh dahil po sa pandemya isang taon na at next year tuloy pa rin, marami po doon maaaring di naumpisahan o kung naumpisahan man ay natigil," paliwanag niya. 

Maaalalang nagpasya ang Maynilad at Manila Water na ipagpaliban muna ang namumuro nilang dagdag-singil sana simula Enero 2021.

Nasa P2.98 kada cubic meter ang nakatakdang dagdag-singil ng Maynilad, habang P2 naman kada cubic meter ang namumurong dagdag-presyo ng Manila Water. 

Pero nilinaw ng Metropolitan Water Sewerage System-Regulatory Office (MWSS) na hindi nila papayagan na magpatong-patong ang dagdag-singil sa mga susunod na taon. 

"Hindi nila puwedeng gawin 'yun... Dahil ang agreement is sa 2022 rate rebasing na lang," ani MWSS chief regulator Patrick Ty. 

Ibig sabihin, ang ipagpapaliban na dagdag-singil ay isasali na lang sa diskusyon ng susunod na "rate rebasing period" na papatak mula 2023 hanggang 2025. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.