COVID-19 cases posibleng tumaas sa paparating na holidays: researcher

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2020 02:23 PM | Updated as of Nov 05 2020 10:05 PM

COVID-19 testing sa Baclaran Elementary School sa Parañaque City noong Mayo 21, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA — Posibleng tumaas ang mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa habang papalapit ang holidays sa Disyembre, sabi ngayong Huwebes ng isang miyembro ng OCTA Research Group.

Ayon kay Guido David, na miyembro ng grupong nag-aaral ng COVID-19 data sa Pilipinas, posible kasing dumami ang mga taong lumalabas ng mga bahay sa holiday.

"Aware din naman tayo na pagdating ng holiday season, mayroon na ring fatigue 'yong mga tao gusto na ring lumabas, puwedeng magkaroon ng uptick," ani David sa panayam ng Teleradyo.

"Ang importante diyan kailangan ang response natin mabilis," dagdag ni David.

Watch more in iWantTFC

Pabor si David na isailalim sa general community quarantine ang Metro Manila hanggang Disyembre.

"Gusto natin may kaunting balance para macontrol ang crowding sa malls and public places," aniya.

Ayon din kay David, gumaganda na ang trend ng COVID-19 cases sa bansa dahil naglalaro na lang sa 1,000 ang naitatalang mga bagong kaso kada araw.

Sa katunayan, noong Miyerkoles, nakapagtala ang Pilipinas ng 987 bagong kaso ng COVID-19, ang pinakamababang daily tally mula noong Hulyo 14.

Dahil dito, umakyat sa 388,137 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso sa bansa, kung saan 31,679 ang active cases o iyong hindi pa gumagaling sa sakit.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.