Tubig-ulan puwedeng mapakinabangan gamit ang harvesting system

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2019 08:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kasalukuyang nagpapatupad ng rotational water service interruption ang Manila Water at Maynilad dahil mababa pa ang antas ng tubig sa Angat Dam.

Bunsod nito, maraming residente ng Metro Manila ang nag-iipon na lang ng tubig sa mga timba at batya. 

Sa bagay na ito, maaaring makatulong ang imbensiyon ng isang Pinoy. 

Noong 2005, nakaimbento si Antonio Mateo, dating dean ng Adamson University College of Engineering, ng isang rainwater harvesting system.

Sasahurin nito ang tubig-ulan mula sa bubong ng bahay. Dadaloy ito sa 4 na filter tubes para malinis.

Nasa 1,000 litro pataas ang kayang iimbak ng imbensiyon.

"Ang mahirap kasi dito sa atin, we are all reactive, we are not proactive. Kapag nandiyan ang problema, diyan ka tatawagan," ani Mateo.

Hindi lang mga bahay ang gumagamit ng rainwater harvesting system ni Mateo kundi pati na rin ang mga gusali gaya ng bagong building ng Quezon City Hall.

Puwedeng gamitin ang tubig sa paglilinis at mga palikuran.

Ayon sa pag-aaral ni Mateo, nasa higit 7 bilyong litro ng ulan ang bumubuhos sa Pilipinas kada taon, na sayang daw kung hindi mapakikinabangan.

Ang isang bahay na may 2 palapag, halimbawa, na gumagamit ng rainwater harvesting system ay nakakamenos sa bayarin sa water utility.

Nagpaalala naman ang grupong Ibon Foundation na may mga batas, gaya ng Republic Act 6716, na inaatasan ang lahat ng mga barangay na magtayo ng alternatibong mapagkukuhanan ng tubig gaya ng rainwater collectors.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.