Pulis patay sa pamamaril sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2019 10:52 PM | Updated as of Nov 06 2019 07:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE)—Patay ang isang pulis matapos pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang salarin sa Barangay Teachers' Village, Quezon City Martes ng gabi.

Dead on the spot si Police Lt. Ernesto Mendoza Jr. na nakatalaga sa Logistics Division ng Quezon City Police District (QCPD).

Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera, dumaan sa Malingap St. ang kotse na minamaneho ng biktima pasado alas-8 ng gabi.

Sinabayan ito ng riding-in-tandem, kung saan bumunot ng baril ang angkas at pinagbabaril si Mendoza.

"Tinitingnan pa ang mga anggulo, kung personal ba o sa trabaho. Bina-backtrack pa ang mga CCTV para malaman saan sumuot ang mga salarin," ani Police Maj. Elmer Monsalve, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD.

Pumasok pa umano sa trabaho si Mendoza at pauwi na sana nang mangyari ang insidente.

Narekober ang service firearm ng biktima at walang indikasyon na nakaganti siya ng putok.

Kuwento ng ilang testigo, nasa 8 putok ng baril ang narinig nila.

"Pinlano talaga ang pagpatay," ani Monsalve.

Tumanggi na munang magbigay ng pahayag ang pamilya ng biktima. Blangko pa sila sa motibo ng krimen.—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.