Higit 40 bahay naabo sa sunog sa Cagayan de Oro

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2019 11:54 PM

 

CAGAYAN DE ORO - Higit 40 bahay ang natupok sa Cagayan de Oro City nitong Martes, na nagdulot ng pagkawala ng tirahan ng higit 50 pamilya.

Mabilis na naabo ang mga bahay dahil maliban sa dikit-dikit ang mga ito, gawa sila sa light materials.

Ang residente na si Venus Taño, agad nailikas ang kaniyang dalawang maliit na anak pero halos wala siyang naisalbang gamit dahil mabilis naabo ang kanilang bahay.

Naghahanda umano sila ng hapunan nang marinig ang sigaw ng kanilang kapitbahay.

"Paglabas namin, nakita namin na nasa likod na pala ng bahay namin ang sunog kaya agad naming inunang mailigtas ang mga anak namin," ani Taño.

Inaalam pa ng Bureau of Fire Protection ang sanhi at kung saan nagsimula ang sunog na umabot sa 4th alarm.

"Nahirapan kaming maapula ang sunog dahil masikip ang daan. Naubusan ng tubig ang aming fire trucks at walang fire hydrant sa lugar," ani SF03 Samson Velarde, Carmen Fire Station Commander.

Pansamantalang inilikas sa covered court ng barangay ang mga nasunugan.

Paunang tulong gaya ng bigas, damit, at matutulugan ang inihanda ng barangay para sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.