'Biyahe ng PNR di apektado ng tinatayong NLEX connector'

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2019 04:30 PM

Iginiit ng pamunuan ng Philippine National Railways (PNR) na hindi maaapektuhan ng konstruksiyon ng North Luzon Expressway (NLEX) connector ang biyahe sa kanilang linya.

Inumpisahan ngayong Martes ang pagtatayo ng NLEX connector o Caloocan interchange, na magdudugtong sa Caloocan City at Maynila.

Dahil dadaan ang construction sa itaas ng PNR, nag-adjust ang linya at ginawang isa na lang ang hanay ng riles, sa halip na dalawa, ayon kay PNR General Manager Junn Magno.

"Double tracks 'to, ang compromise namin gagawin siyang single track," ani Magno.

"Itong area na 'to, second track, tinanggal namin second track. Imbes na every one hour, ginawa naming single track na every 30 minutes," paliwanag niya.

Target matapos ang connector road ng NLEX at South Luzon Expressway (SLEX) sa 2021. 

Pabibilisin daw ng daan ang biyahe mula NLEX hanggang SLEX sa 20 minuto mula 2 oras.

Nasa 35,000 motorista kada araw ang makikinabang sa connector, ayon sa NLEX Corporation.

Makatutulong din umano ang proyekto para maibsan ang masikip na daloy ng trapiko sa ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila, gaya ng EDSA at C5.

Kahit hindi pa buo ang nakuhang right-of-way ng gobyerno sa dadaanan ng proyekto, itutuloy na nila ang construction.

"Halos 50 percent na nakuha namin na right of way at magsisimula na ang construction this month for this connector," ani Public Works and Highways Secretary Mark Villar.

"Ito na 'yung workable area so malaki-laki na 'yong workable area, wala naman akong nakikitang problema," dagdag niya.

Samantala, tuloy na ang pagdinig sa Huwebes, Nobyembre 7, sa mungkahing pag-refund ng P44 sa toll ng SLEX.

Nabuo ang mungkahi dahil sa matinding trapikong naranasan sa SLEX bunsod ng construction ng Skyway extension project sa Muntinlupa City.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.