3 patay sa magkakahiwalay na aksidente sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2019 12:03 AM

Tatlo ang patay sa magkakahiwalay na aksidente sa Isabela.

Sa Barangay Buneg sa Echague, namatay sa sunog si Nomer Marcos, 44 anyos.

Base sa imbestigasyon, pauwi na si Marcos nang salpukin ang minamaneho niyang tricycle ng kasalubong na van sa kurbadang bahagi ng kalsada sa Barangay Buneg.

Sa lakas ng pagbangga, tumilapon ang biktima sa loob ng kubo.

Sumadsad ang tricycle sa kubo na biglang nagliyab matapos na sumabog ang tangke ng gasolina.

Sinikap ng mga residente na sagipin ang biktima at apulahin ang apoy bago pa dumating ang mga bombero, pero mabilis na nilamon ng apoy ang kubo na yari sa pawid at mga kahoy.

Sa ibang himpilan ng pulisya sumuko ang driver ng van na ngayon ay nasa kustodiya na ng Echague Police.

“May mga witnesses tayo na nagsasabing lasing itong suspek,” ayon kay Police Captain Geriyell Frogoso.

Sinampahan na ang van driver ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property.

Sa bayan naman ng Ramon, patawid sa kalsada ang 55 anyos na si Jaime Flora nang salpukin ng pampasaherong bus noong Linggo ng gabi.

Nadala pa sa ospital ang biktima, pero idineklarang dead-on-arrival ng attending physician.

Sa bayan ng Cordon, sumalpok ang isang motorsiklo sa concrete barrier ng kalsada sa Barangay Sagat nitong Lunes ng hapon.

Dead-on-arrival sa ospital ang driver na si Jason Laurente, habang sugatan ang kaniyang angkas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.