29 sumakit ang tiyan sa kinaing 'donasyon' sa Makilala, Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2019 03:53 PM | Updated as of Nov 05 2019 07:16 PM

(UPDATE) Dalawampu't siyam na tao mula Makilala, Cotabato ang isinugod sa mga ospital at health center matapos makaranas ng mga sintomas ng food poisoning, ayon sa opisyal ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC). 

Sumakit ang tiyan at nagsuka ang mga pasyenteng galing sa evacuation center sa Barangay Malabuan matapos kainin ang ipinamahagi sa kanila, sabi ngayong Martes ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad sa isang press conference.

Ang kinain nila ay isang food pack na may kanin, itlog at karne ng manok, na kabalot sa dahon ng saging. Tinatawag itong pastel o pastil. Isang grupo ang nagdala ng pagkain sa evacuation center.

Siyam sa mga pasyente ay dinala sa Kidapawan City Hospital, 10 sa Cotabato Provincial Hospital, at 10 sa Makilala rural health unit.

Dahil sa nangyari, hinimok ni Jalad ang publiko na sa mga pamahalaang lokal ibagsak ang donasyon at huwag ideretso sa mga namamalimos o biktima ng lindol.

Tiniyak naman ni Jalad na ligtas na ang lagay ng mga na-food poison.

Idineklara rin ang state of calamity ngayong Martes sa Cotabato. Ito na ang ikatlong pagkakataong isinailalim ang lalawigan sa nasabing estado.

Nauna nang nagdeklara ng state of calamity sa Cotabato dahil sa dengue outbreak at El Niño.

Nasa 170,000 indibidwal ang apektado ng lindol sa Cotabato, base sa tala ng provincial government.

Iginiit din ni Jalad na sapat ang pondo at relief supplies para sa Mindanao, na niyanig ng mga lindol noong Oktubre 29 at 31.

-- Ulat nina Zhander Cayabyab at Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.