Mga bato, pinangangambahang bumagsak sa Natonin ground zero

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2018 08:04 PM | Updated as of Aug 04 2019 11:58 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinangangambahang bumagsak ang mga naglalakihang bato mula sa bundok at tumama sa mga nagsasagawa ngayon ng search and retrieval operations sa ground zero sa Natonin, Mountain Province.

Pinag-aaralan pa ng Office of Civil Defense (OCD) sa Cordillera ang dapat gawin sa 10 dambuhalang bato na natagpuan malapit sa ground zero o iyong lugar ng gumuhong gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Barangay Banawel.

Sakali raw kasing umulan ulit at lumambot ang lupa, maaaring bumagsak ang mga bato na nasa dalisdis lang ng bundok.

"It is very dangerous na kung babagsak iyan, 'yong casualty, 'yong tatamaan sa search and rescue groups natin," ani Ruben Carandang, direktor ng OCD sa Cordillera region.

Gumuho noong nakaraang linggo ang gusali ng DPWH matapos matabunan ng lupa sa gitna ng pananalasa ng bagyong Rosita.

Nasa 17 bangkay na ang nakukuha mula sa ground zero habang 12 pa ang nawawala, sabi ni Natonin Mayor Mateo Chiyawan.

Dumating din ngayong Lunes ang karagdagang volunteer para sa search and retrieval operations pero kinailangan pang pasabugin ang isang malaking bato sa ibabaw ng gumuhong gusali para masimulan ang operasyon.

Tatagal hanggang Biyernes ang search and retrieval operations.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.