2 sakay ng motorsiklo patay sa banggaan sa Butuan

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2018 02:33 PM

Iniinspeksyon ng mga awtoridad ang lugar kung saan naaksidente ang isang SUV, pick-up truck at 2 motorsiklo. ABS-CBN News

BUTUAN CITY - Patay ang isang motorcycle rider at kaniyang angkas makaraang sumalpok sa kasalubong na sports utility vehicle sa lungsod na ito, Lunes. 

Papunta ang SUV sa Surigao City nang mahagip ng isang pick-up truck ang tagiliran nito sa Barangay Ampayon, dakong alas-6 ng umaga. 

Dahil dito, napunta sa kabilang lane ang SUV at nabangga ang motorsiklong minamaneho ni Raul del Rosario. 

Dumeretso sa windshield si Del Rosario at naputulan ng paa. Tumilapon naman sa kalsada ang angkas niyang si Luz Cabasagan. 

Kapwa sila idineklarang dead on arrival sa ospital. 

Samantala, nabangga rin ng SUV ang isa pang motorsiklo. Nasugatan sa paa, kamay, at ulo ang driver nito na si Ricky Epis.

Nasa kustodya ng pulisya ang driver ng SUV at pick-up na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide.-- Ulat ni Lorilly Awitan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.