Lalaki, patay matapos mahagip ng truck sa South Super Highway

Hajji Kaamino, ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2016 12:29 PM

MAKATI CITY - Isang lalaki ang namatay matapos mahagip ng trailer truck ang sinasakyang motorsiklo sa isang bahagi ng South Super Highway sa may Arnaiz Avenue sa Makati City.

Dead-on-the-spot ang naka-angkas na si Arnold Dela Torre, 22, isang security guard, habang isinugod sa Ospital ng Makati ang driver ng motorsiklo na si Ferdinand Butyao.

Ayon kay Leonardo Aguirre ng Makati Traffic, nangyari ang aksidente kagabi nang 11:50 p.m. kung saan nagpumilit umano ang motorsiklo na tumawid sa intersection kahit naka-red light.

Sinubukan pang iwasan ng driver ng 16-wheeler truck na si Benjamin Evangelista Jr. ang motor, pero nabangga niya ito at tumama ang ulo ni Dela Torre sa semento na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Paalala ng mga traffic enforcer sa lugar, sundin ang mga patakarang pantrapiko lalo pa't marami na umanong namatay doon dahil sa aksidente.

Posibleng maharap ang driver ng truck sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and physical injury.