PDL sa San Juan jail tinuturuan ang anak sa pamamagitan ng 'e-dalaw'

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2020 08:08 PM

Tinuturuan ng isang person deprived of liberty sa San Juan City Jail ang kaniyang batang anak mula sa loob ng piitan. Bianca Dava, ABS-CBN News

Bago matulog tuwing gabi, abala sa pagdo-drawing at pagpipinta ng mga letra, hugis, prutas at iba pa si "Tom," isang inmate sa San Juan City Jail.

Ang mga drawing kasi ang ginagamit niya sa pagtuturo sa kaniyang 5 taong gulang na anak na si "Jenny."

Nasa kulungan man, hindi ito hadlang kay "Tom" para matulungang mag-aral ang anak sa pamamagitan ng "e-dalaw" ng Bureau of Jail Management and Penology.

"Dito ko lang ginagawa sa loob ng dorm namin habang hinihintay ko schedule ng 'e-dalaw' namin," ani "Tom."

Isang taong gulang lang noon si "Jenny" nang makulong si "Tom" dahil sa droga.

Naghiwalay din sila ng kaniyang kinakasama kaya naiwan ang anak sa pangangalaga ng lola.

Watch more in iWantTFC

Para kay "Tom," ito na ang pagkakataong makabawi siya sa kaniyang anak na matagal na niyang hindi nakakasama.

"Hindi hadlang ang kulungan o pandemya para maipakita sa mahal sa buhay na mahalaga siya," aniya.

Ayon kay Insp. Jose Marie Sabeniano, warden sa piitan, 3 computer lang ang ginagamit ng nasa 200 inmate sa San Juan City Jail para sa "e-dalaw."

Kaya para lahat makagamit, tig-5 minuto lang kada araw ang ibinibigay sa bawat inmate.

Gayunpaman, napahanga raw sila sa dedikasyon ni "Tom."

"Hindi lang naging inspirasyon sa kanyang kapwa preso, kundi sa aming lahat dito. Napatunayan na ang rehas na bakal ay hindi sagabal," ani Sabeniano.

Kasama ang mga kapwa inmate, gumagawa rin si "Tom" ng mga parol, mesa, upuan, at alcohol dispenser na gawa sa kahoy para ibenta. 

Malaking bahagi ng kita ay napupunta sa inmates para maipadala nila sa pamilya.

Hindi man mababago ni "Tom" ang kaniyang nakaraan, kaya naman daw niyang baguhin ang kaniyang bukas para sa anak. -- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.