PCG personnel patay sa pamamaril sa Maynila

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2020 05:45 AM

MAYNILA - Patay ang isang miyembro ng Philippine Coast Guard matapos siya barilin sa kaniyang bahay sa Port Area, Maynila nitong Martes.

Tadtad ng bala ang bahay ng pamilya Dela Cruz matapos ang nangyaring pamamaril kay Muktar Tahajid, 29, na enlisted personnel ng Philippine Coast Guard.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District Homicide Section, katutubo ang biktima ng Yakan Tribe sa Central Sumusip, Basilan.

Natukoy na huli siyang tumira sa Block 105, Barangay 650 kung saan nangyari ang pamamaril.

Hinabol ang biktima ng isang hindi pa kilalang suspek mula sa Mel Lopez Boulevard.

Sinubukan pang tumakas ng biktima at tumakbo papasok sa isa sa mga bahay pero inabutan na siya roon ng armadong lalaki.

Dead on the spot si Tahajid dahil sa mga tinamong tama ng bala sa katawan.

Nasa Divisoria naman noon ang mga nakatira sa bahay na mga vendor kaya wala nang nadamay sa pamamaril. 

Inaalam pa ng MPD Homicide Section ang motibo sa pagpatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.