Matapos ang bagyong Rolly, rehabilitasyon sa Daraga, Albay inuumpisahan na

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2020 04:11 PM | Updated as of Nov 04 2020 04:29 PM

Matapos ang bagyong Rolly, rehabilitasyon sa Daraga, Albay inuumpisahan na 1
A portion of the Cagsawa Ruins in Barangay Busay, Daraga, Albay on Sunday is flooded as Super Typhoon Rolly makes its way through the province. Courtesy of AJ Miraflor

MAYNILA - Nag-uumpisa nang magkumpuni ng kanilang mga bahay na natabunan ng lahar ang mga residente ng Daraga sa Albay na nasalanta ng hagupit ng bagyong Rolly.

“Nagsisimula na po yung rehabilitation, nag-aayos mga residente ng mga kabahayan nila,” pahayag ni Daraga Mayor Victor Perete.

Sa panayam sa TeleRadyo Miyerkoles ng umaga, sinabi ni Perete na bukod sa mga bahay, may mga tulay din na nasira at kailangang maayos.

Nakatakdang bisitahin din sila ngayong Miyerkoles ni Public Works Secretary Mark Villar.
 
Dagdag naman ni Perete na malalim din ang lahar sa Cagsawa Park.

“Medyo natabunan po mga tindahan, unti-unti pa rin naman kinukuha mga gamit nila,” sabi ni Perete.

Umabot umano sa dalawang metro ang lalim ng lahar.

“Halos pangalawang palapag na lang ang makikita,” sabi ng alkalde. 

Watch more News on iWantTFC

Kanilang na-clear na rin ang mga kalsada habang paunti-unti na rin ang dating ng relief operations para sa nasalantang mga residente.

Bukod sa pagkain, sinabi ng alkalde na mas kailangan din ng mga residente ngayon ang malinis na maiinom na tubig.

Sa bayan ng Tiwi sa Albay naiulat ang ikalawang landfall ng bagyong Rolly.

Tinatayang umabot naman sa 16 ang nasawi sa bagyo.

TeleRadyo 4 Nobyembre 2020