Ilang pamilya sa Camalig, Albay hinatiran ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2020 08:34 PM

Nagdala ng tulong ang ABS-CBN sa ilang pamilyang nawalan ng bahay at kabuhayan sa Camalig, Albay dahil sa pananalasa ng bagyong Rolly. ABS-CBN News

Poste, kalahating pader at kapirasong bubong na lang ang natira sa bahay ni Jelly Platon sa Barangay Gapo, Camalig, Albay matapos rumagasa ang baha sa kasagsagan ng bagyong Rolly.

"Malakas 'yong ano ng tubig papasok dito, katulad din noong [Bagyong] Tisoy pero parang mas malakas ito ngayon," ani Platon.

Nasira naman ang dike malapit sa bahay ni Bonifacio Mujer kaya nangangamba siyang mapuruhan ang kanilang tahanan sa susunod na mga bagyo.

"'Yon ang inaalala ko, kung paano kami na nakatira dito. Baka abutin na ang bahay ko," ani Mujer.

Watch more in iWantTFC

Malaking bahagi ng Barangay Gapo ang nalubog sa baha dahil sa pagkasira ng dike.

"Sayang nga, pati ako nanghihinayang, hindi lang sa dike. Kasi kapakanan ng residente ko, buhay ang tinataya doon," ani Amelia Cueto Nocedal, chairperson ng Barangay Gapo.

Bukod sa mga nasirang bahay, nawasak din ang pananim, pati ang mga gabing ginagamit sa paggawa ng pinangat, na pangunahing pinagkakakitaan ng mga taga-Gapo.

Habang sinisikap na maibalik sa normal ang kanilang pamumuhay, naghatid ng tulong ang ABS-CBN sa mga taga-Barangay Gapo.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.