40 pamilya nasunugan sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2020 01:44 PM

Aabot sa 40 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na tumama sa residential area sa Binondo, Maynila nitong umaga ng Miyerkoles. Jerome Lantin, ABS-CBN News

Aabot sa 40 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na tumama sa residential area sa Binondo, Maynila nitong umaga ng Miyerkoles.

Pasado alas-8 ng umaga nang maiulat ang sunog sa may Barangay 282, na umabot hanggang ikalawang alarma at tumupok sa 20 bahay.

Pasado alas-9 ng umaga nang i-deklara ang fire out.

Nahirapan umano ang mga bombero na rumesponde dahil makipot ang kalsada papasok sa residential area.

Nag-umpisa ang apoy sa isang 3 palapag na paupahang bahay, ayon sa Bureau of Fire Protection.

Ayon naman sa barangay chairperson na si Alberto Loresto, posibleng leak sa kusinilya ang pinagmulan ng sunog.

Maglalagay muna ng mga tent ang mga tauhan ng barangay malapit sa pinangyarihan ng sunog para may masilungan ang mga residente.

Ginawa kasi umanong COVID-19 facility ang evacuation center.

Nanawagan din ng tulong ang mga residenteng nasunugan.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.