Guwardiya patay sa pamamaril sa Pampanga; 2 suspek napatay ng mga pulis

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2019 11:55 PM

Patay ang isang security guard matapos pagbabarilin ng dalawang gunman sa Barangay Cutcut sa Angeles City, Pampanga Linggo ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Michael Jan Perez, 31 anyos. Sugatan rin ang kasama nitong empleyado ng isang mini-mart na si Jalanie Jamael, 25 anyos.

Sa follow-up operation ng Angeles City Police Station 5, narekober ang ginamit na motorsiklo ng mga salarin sa madamong lugar malapit sa pinangyarihan ng krimen. 

Dito nakita ang sticker ng isang subdivision sa Barangay Mining. Nang puntahan ng mga operatiba, agad na nakatunog ang mga suspek at mabilis na tumakas papalabas ng subdivision sakay ng isang kotse.

Sinubukan silang pigilan ng mga nakaabang na pulis pero sinagasaan din ng mga ito pati ang saradong gate.

Nagkaroon ng habulan at palitan ng putok ng baril na humantong sa pagkamatay ng dalawang suspek.

Narekober sa crime scene ang isang kalibre 38 revolver, isang kalibre 45 pistol, mga bala at limang sachet ng hinihinalang shabu.

Patuloy pa rin ang isinasagawangimbestigasyon ng pulisya sa motibo sa likod ng krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.