2 patay, 7 sugatan sa karambola ng 3 sasakyan sa Misamis Oriental

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2019 09:06 PM | Updated as of Nov 05 2019 07:11 PM

Watch more in iWantTFC

Dalawa ang patay habang pitong iba pa ang sugatan sa banggaan ng isang panel van, multicab, at motorsiklo sa Barangay Aplaya sa bayan ng Jasaan sa Misamis Oriental Lunes ng umaga.

Dalawa sa mga pasahero ng multicab ang dead on arrival na sa Jasaan Community Hospital. Kinilala silang sina Miljun Masion at Rodolfo Angana.

Pito naman ang sugatan, kasama na ang driver ng panel van at motorsiklo.

Ayon sa driver ng multicab na si Ryan Delima, biglang umagaw ng linya ang van papunta sa kanilang direksyon. Sinubukan niya itong iwasan pero nahagip pa rin sila.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, lumalabas na posibleng nakatulog ang driver ng panel van. Mula sa El Salvador, Misamis Oriental, magde-deliver sana ito ng sigarilyo sa Camiguin.

"Ang driver nakatulog siguro kasi naka encroach na siya sa kabilang lane. Wala siyang reason na salubungin iyung multicab kasi wala naman siyang inovertakan," paliwanag ni PMaj. Dennis Delos Santos, hepe ng Jasaan Municipal Police Station.

Nakikipagtulungan na ang kompanya ng panel van sa mga pulis para sa posibleng tulong sa mga biktima.

Aalamin din nila kung bakit nakapagmaneho sa kanilang sasakyan ang ahente nila.

Sasampahan ito ng patung-patong na kaso ng reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries, pati na damage to properties.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.