Nakaligtas, inalala ang karanasan sa Natonin landslide

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2018 07:15 PM

Isa ang guwardiyang si Joventino Lammawen sa mga nakaligtas sa gumuhong gusali ng Department of Public Works and Highways sa bayan ng Natonin, Mountain Province sa kasagsagan ng bagyong Rosita.

Bakas pa rin ang takot sa mukha ng guwardiyang si Joventino Lammawen, isa sa tatlong nakaligtas sa nangyaring pagguho sa gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa bayan ng Natonin, Mountain Province.

Gumuho ang gusali noong Martes sa gitna ng pananalasa ng bagyong Rosita sa bansa.

Kuwento ni Lammawen, nakita niya mismo ang pagguho ng lupa sa likod ng gusali.

"Paglingon ko sa taas, mayroon nang parating na ano, 'yong bundok," ani Lammawen.

Sa isang imburnal umano nagtago ang guwardiya.

"'Pag ano ng putik sa may imburnal, tinulak na ako doon sa loob," aniya.

Inabot ng 14 oras bago nailigtas si Lammawen.

"Kinuha ko 'yong hose. Habang sumisigaw ako, ginagalaw ko 'yong hose sa loob para sabi ko, may makakita," ani Lammawen.

Nasa mabuting kalagayan na si Lammawen at labis ang kaniyang pasasalamat para sa pangalawang buhay.

RETRIEVAL OPS, TUTULOY HANGGANG BIYERNES

Nasa 17 bangkay na ang narekober habang 13 pa ang pinaghahanap, sabi ngayong Linggo ni Natonin Mayor Mateo Chiyawan.

Magpapatuloy umano hanggang Biyernes ang search and retrieval operations sa gumuhong gusali, na binansagang "ground zero."

Ayon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB), 2015 pa sila nag-abiso na delikado sa mga pagguho ng lupa ang Barangay Banawol, kung saan nangyari ang pagguho ng DPWH building.

Ayon pa sa MGB, 90 porsiyento sa bayan ng Natonin ang malaki ang tsansa na tamaan ng pagguho ng lupa.

Pero ayon kay Chiwayan, wala silang natatanggap na ulat mula sa MGB na nakatayo sa delikadong lugar ang gusali ng DPWH.

"I have yet to receive that report if there is such a report from MGB, that halos buong Natonin declared high risk," ani Chiwayan.

"Na-test 'yun e. Pumasa naman. Imposibleng napatayo 'yung building nang walang test standard sa DPWH," dagdag ng alkalde.

--Ulat ni Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.