Mga tagasuporta ng Bar examinees, kanya-kanyang gimik

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2018 07:04 PM | Updated as of Aug 06 2019 12:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagmistulang pista ang eksena sa University of Santo Tomas sa Maynila nitong Linggo para sa pag-arangkada ng Bar examinations, na kukuhanin ng halos 9,000 na naghahangad na makapasa at maging abogado.

Hiyawan at palakasan ng chant mula sa mga tagasuporta ang sumalubong sa mga kukuha ng pagsusulit ngayong taon.

Mayroon ding mga tagasuportang nagdala ng imahen ni Santo Niño, mga balloon o lobo, banners na may inspirational messages, at pabaong pagkain at inuming may kasamang good luck messages.

Nasa 8,701 indibidwal ang inaasahang kukuha ng Bar exams sa lahat ng Linggo ng Nobyembre, sabi ng Supreme Court, na nangangasiwa sa pagsusulit.

Aminado ang isa sa mga examinee na si Joy Fandialan na ramdam niya ang pressure sa pagsusulit lalo at abogado ang kaniyang ama at kapatid.

"Siyempre, aim po natin mag-top. In case hindi natin makuha, pass pa rin," ani Fandialan.

Maluha-luha naman ang examinee na si John Angel Bautista habang yakap ang ina bago ang pagsusulit.

Kalilibing lang kasi ng kaniyang ama at nakaburol naman ngayon ang kaniyang tito.

"Para sa papa ko at para sa tito ko," sabi ni Bautista.

Ikatlong beses naman ito ni ni Junny Vic Andaya at huling tsansa na para kuhanin ang pagsusulit.

"'Yong expectation mas intense so dapat hangga't maaari, ibigay mo na iyong lahat," ani Andaya.

Bumisita rin sa UST si Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen para palakasin ang loob ng Bar examinees.

"Eat well, sleep well, make peace with your God tapos 'wag kayong mag-panic," payo ni Leonen.

Higit 400 pulis naman ang ipakakalat sa UST sa lahat ng Linggo ng Nobyembre para tiyakin ang ligtas at mapayapang pagdaraos ng Bar exams.

Noong nakaraang taon, 6,748 tao ang kumuha ng Bar exams habang nasa 1,724 ang pumasa.

--Ulat nina Ernie Manio at Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.