Mga aplikante ng Kuwait Airways, dumagsa

ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2018 03:44 PM | Updated as of Aug 08 2019 02:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Kahit pa Linggo, dinagsa ng mga aplikante ang unang araw ng pasahan ng aplikasyon para sa higit 400 trabahong inaalok sa mga Pinoy ng Kuwait Airways, ang flag carrier ng bansang Kuwait.

Nasa 100 aplikante ang nagtungo ngayong Linggo sa Yaazeemir International Manpower Agency sa Ermita, Maynila kung saan maaaring mag-aplay para sa Kuwait Airways.

Isa sa mga aplikante si Steven Permas, na hangad daw makapagtrabaho sa Kuwait para makaipon at makatulong sa pag-aaral ng tatlo niyang kapatid.

"Kasi po mas okay po na nagpe-prepare habang bata pa," ani Permas.

Nangangailangan ng 459 manggagawang Pinoy ang Kuwait Airways dahil sa pagbubukas kamakailan ng Kuwait Airways Terminal 4.

Kabilang sa mga posisyong inaalok ng Kuwait Airways ang traffic officer, assistant traffic officer, assistant load control, assistant cargo officer, cargo operator, cargo coordinator, at baggage sorter.

Puwedeng sumahod ng hanggang KD325 o higit P56,000 kada buwan ang mga matatanggap, at libre rin ang tiket pauwi ng Pilipinas kapag natapos ang dalawang taong kontrata.

May posibilidad din umanong ma-renew ang kontrata kapag naging maganda ang performance sa trabaho.

Tatagal hanggang Nobyembre 17 ang panahon ng aplikasyon.

Para sa mga interesado, maaaring magsumite ng aplikasyon sa Yaazeemir International Manpower Agency sa Room 405, 4th floor ng AP Building 1563, F. Agoncillo corner Pedro Gil Street sa Ermita, Manila.​

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.