Istasyon ng pulis sa Sorsogon pinagbabaril ng hinihinalang NPA

Karla Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at Nov 04 2017 02:52 PM

Butas ang bintana ng Gubat Municipal Police Station matapos pagbabarilin ng mga hinihinalang miyembro ng New People's Army Biyernes. Karla Thea Omelan, ABS-CBN News

GUBAT, Sorsogon - Pinagbabaril ng mga hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) ang Gubat Municipal Police Station (MPS) Biyernes ng gabi.

Ayon kay Sr. Insp. Nicolas Malipot, hepe ng Gubat MPS, nakahiga na siya sa kaniyang quarters nang marinig ang putok bandang 9:26 ng gabi.

Tinamaan ng bala ang pader at bintana ng nasabing istasyon ng pulis.

Kitang-kita ang mga tama ng bala sa Gubat Municipal Police Station matapos pagbabarilin ng mga hinihinalang miyembro ng New People's Army Biyernes. Karla Thea Omelan, ABS-CBN News
Kitang-kita ang mga tama ng bala sa Gubat Municipal Police Station matapos pagbabarilin ng mga hinihinalang miyembro ng New People's Army Biyernes. Karla Thea Omelan, ABS-CBN News

Gumanti ng putok ang mga pulis laban sa 6 na hinihinalang NPA na nagtago ilang metro lamang ang layo mula sa istasyon.

Labis ang pangamba ng mga residente dahil sa insidente. Ang isang guro sa lugar, umaga na nang makaalis sa paaralan kasama ang 4 na iba pa dahil sa takot sa putukan.

Gumagawa umano sila ng iskedyul ng mga estudyante nang marinig ang putukan. Halos 30 minuto raw silang nakadapa sa faculty room dahil sa takot.

Matatandaang noong Okt. 15 ay sinugod rin ng mga hinihinalang NPA ang outpost ng Gubat MPS kung saan isang pulis ang napatay.

Nauna nang sinuspinde ng pamahalaan ang pakikinegosasyon sa mga rebelde matapos magpatuloy ang mga pag-atake sa kabila ng usapang pangkapayapaan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.