PatrolPH

Pamilya umapelang pakawalan ang 6 na magkakaibigang dinukot sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2021 05:45 PM | Updated as of Nov 03 2021 06:53 PM

Watch more on iWantTFC

Ilang araw nang hindi makatulog si alyas "Lita" matapos dukutin ang kaniyang apo na si Mark Nelvin Caraan at 5 kaibigan nito sa Laurel, Batangas noong Biyernes.

"Para mo nang awa ilabas mo na 'yong apo ko kasi wala naman kasalanan 'yon. Nadamay lang sa mga barkada niya," sabi ni "Lita."

Bukod kay Caraan, kasama rin sa mga dinukot sina Mar Christian Ore, Eugene Noora, Shane Despe, Paulino Sebastian, at Carlo Fazon.

Habang mabagal ang galaw ng mga sasakyan noong madaling araw ng Biyernes sa Tagaytay-Nasugbu Road, binuksan ng mga armadong lalaking naka-van ang SUV na sinasakyan ng magkakaibigan at dinukot ang mga ito.

Dalawang babaeng kasama ng mga dinukot ang nakatakas.

Noong gabi ng Biyernes, natagpuan ang sasakyan ng mga biktima sa magubat na bahagi ng Barangay Bunggo sa Calamba, Laguna.

Galing umano sa outing sa Lian, Batangas ang 8 magkakaibigan at pauwi na sa Dasmariñas nang harangin sila ng mga salarin.

Aminado ang Laurel police na wala pa silang matukoy sa mga salarin.

Kabilang naman sa mga tinitingnang anggulo ang pagkakadawit ng isa sa mga dinukot sa ilegal na droga, ayon kay Laurel police chief Capt. Errol Jordan Frejas.

Posible ring may kinalaman ang pagdukot sa pakikipag-away ng isa sa mga biktima sa nakarelasyong Chinese, ani Frejas.

Sa ngayon, nagtutulong-tulong ang lahat ng police unit sa Batangas para imbestigahan ang kaso.

Humingi na rin ng tulong ang Batangas police sa Philippine National Police Anti-Kidnapping Group.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.