PatrolPH

Mga taga-Payatas sa QC, dinalhan ng pagkain at hygiene kits

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2021 03:16 PM | Updated as of Nov 08 2021 07:45 PM

Dinalhan ng ayuda ng ABS-CBN Foundation ang mga residente ng Payatas, Quezon City na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic. ABS-CBN News
Dinalhan ng ayuda ng ABS-CBN Foundation ang mga residente ng Payatas, Quezon City na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic. ABS-CBN News

Bagong lipat sa Payatas, Quezon City ang single parent na si Nora Marzo nang mag-umpisa ang COVID-19 pandemic noong nakaraang taon.

Dahil sa mahigpit na mga patakaran upang maiwasan ang pagkalat ng sakit, nahirapan si Marzo na gawin ang tanging kabuhayan niyang pagma-manicure.

"Andon 'yong takot... Mas mahirapan kami magkasakit at mamatay kami sa gutom kung 'di kami gagalaw," ani Marzo.

Watch more on iWantTFC

Sa paggawa ng basahan naman kumukuha ng pantustos sa kaniyang dalawang anak si Concepcion Gabisan, kapitbahay ni Marzo.

Iyon ang naging bagong kabuhayan ni Gabisan matapos mawalan ng trabaho bilang uitlity staff sa isang eskuwelahan.

"Minsan, kumikita P200 sa isang araw. Makabili lang ng bigas, tubig," ani Gabisan.

Sa paggawa rin ng basahan umaasa ngayon si Virginia Fabilla, kapatid ni Gabisan, matapos matigil sa pagiging kasambahay noong pandemya.

"'Di talaga kami nakapag-ready. Nagulat kami na bigla na lang walang trabaho," ani Fabilla.

Malaking tulong sa mga pamilya sa komunidad nila Fabilla ang community pantry, kung saan volunteer si Naneth Atillano.

"Napakasarap po na makatulong sa kapuwa. Kahit sa piso na maiambag mo, malaking tulong 'yon para sa kapwa namin mahihirap," ani Atillano.

Dinagdagan ng ABS-CBN Foundation ang supply ng community pantry ni Atillano.

Nagbigay ang foundation ng bigas, canned goods at hygiene products para sa mga taga-Payatas sa pamamagitan ng Pantawid ng Pag-ibig program.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.