Pagkain, gamot hatid sa mga nasalanta ng 'Rolly' sa Guinobatan

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2020 08:08 PM

Dinalhan ng tulong ng ABS-CBN ang mga kababayan sa Guinobatan, Albay na nalubog sa lahar ang mga bahay sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Rolly. ABS-CBN News

Pilit na hinuhukay ni Solomon Octavo ang lahar mula sa Bulkang Mayon na nagpalubog sa kaniyang bahay sa kasagsagan ng bagyong Rolly, sa Barangay Travesia, Guinobatan, Albay.

"Mahirap talaga. Magmula noong lumaki ako, ngayon lang ako nakaranas ng ganitong nangyari," ani Octavo.

"Ang sinalba lang namin, buhay namin," dagdag niya.

Magsasaka si Octavo at winasak ng bagyo maging ang kanilang sakahan na lubog pa hanggang ngayon sa baha at lahar.

"Parang hindi na ako magsasaka ulit. Wala ka nang makukuha diyan, ang kapal ng buhangin," ani Octavo.

Nilalabhan naman ni Risa Loriya ang mga damit na naisalba mula sa baha.

Nakaligtas mula sa pagragasa ng lahar ang bahay ni Loriya pero lumikha ito ng sapa sa tabi ng kanilang bahay na pinangangambahang umapaw tuwing bubuhos ang malakas na ulan.

"Kaya po kami natatakot kasi diyan dumadaan ang tubig sa amin. 'Pag gabi, hindi na kami nakakatulog," ani Loriya.

Higit 500 pamilya ang apektado ng bagyong Rolly sa Barangay Travesia habang higit 200 pamilya naman sa Barangay San Francisco ang nasa evacuation center.

"Two weeks dito sila titira kasi hanggang ngayon naghuhukay pa sila ng tirahan nila," ani Reynaldo Namia, chairperson ng Barangay San Francisco.

Nakapamahagi rin ang ABS-CBN ng mga bigas at de-lata sa mga evacuee, kabilang sina Octavo at Loriya.

Dala rin ng ABS-CBN ang mga gamot na ipinanawagan sa Teleradyo noong Linggo ng taga-Travesia na si Alvin Nueva para sa kaniyang mga ka-barangay.

Sa ngayon, nangangailangan ang mga taga-Albay ng tubig inumin, mga banig o kutson, mga gamot, at first aid kits.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.