Pagbangon mula sa ‘Rolly’ palaisipan para mga nawalan ng bahay sa Albay

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2020 07:46 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Sa mga video na kuha ni Natalyn Dela Cruz, makikita kung gaano kalakas ang hangin na dala ng super typhoon Rolly sa barangay Sogod sa Tiwi, Albay. 

Kita rin ang mga naglalakihang alon sa dagat. Madaling-araw nang magsimula ang hagupit ng bagyo, na tumama sa Tiwi matapos unang dumaan sa Catanduanes. 

"[Kapag] vini-video mo 'yong tubig, grabe po. Ang laki ng alon," ani Dela Cruz. 

Nang humupa ang bagyo, halos walang naiwang bahay malapit sa baybayin. Kita rin ang iniwang pinsala ng malakas na hangin at storm surge, o daluyong. 

Wasak ang mga bahay, nagmistula ring binalatan ang mga puno ng niyog na kaunting dahon na lang ang natitira. 

Tila tinalupan din ang mga nakalbong buntok. Ang residenteng si Melba Cardano, naiyak na lang dahil walang naiwan sa ipinundar na bahay ng kaniyang anak. Nalimas din ang mga gamit niya. 

"Hindi namin alam kung saan kami magsisimula," pahayag niya. 

Nawalan din ng bahay si Noemi Cope, at halos wala na ring naiwan sa bangkang de-motor na ginagamit ng kaniyang mister sa pangingisda. 

"Nawala po talaga dahil ang asawa ko diyan lang sa laot naghahanapbuhay," ani Cope. 

Isa si Traslacion Legazpi sa mga nawalan ng bahay nang tumama ang bagyong Rolly sa Tiwi, Albay. Photo Courtesy: Aksyon Ko Online TV.

Si Traslacion Legazpi, nawalan din ng bahay. Ibinilad niya ang isang sakong bigas na nabasa ng bagyo para may makain habang naghihintay ng ayuda. 

"Walang wala talaga. Kahapon nga umuwi ako dito, iyak ako nang iyak dahil wala nang bahay. Saan kami kukuha? Wala," ani Legazpi. 

Mahirap din para sa ilang haligi ng tahanan tulad nina Julio Cope at Eddie Ora na isipin kung papaano muling itatayo ang mga nasirang bahay lalo pa't kasabay nito ang pagkasira sa kanilang kabuhayan. 

"'Pag wala kang pera wala kang lakas ng loob na magpagawa ulit ng bangka," ani Julio

"Wala naman kaming ibang hanapbuhay. Sana may tumulong sa 'min na maipagawa ang aming mga bangka," ani Oraa. 

Nagpapatuloy ang assessment ng pamahalaang lokal ng Tiwi, Albay sa pinsala ng bagyo. Coastal areas ang pinakatinamaan sa bayan, ayon sa alkaldeng si Jaime Villanueva. 

"Grabe ang damages sa mga bahay, nawalan ng bubong, lalo na sa coastal areas kung sana nagkaroon ng storm surge at talagang malakas ang hangin," ani Villanueva. 

Sa Tabaco City, tuloy-tuloy naman ang clearing operations sa Sabloyon Road. Puno ng lahar sa gitna ng kalsada kaya hirap pa itong madaanan. 

Nasira rin ang maraming bahay sa ilan pang bahagi ng Catanduanes sa San Miguel. Kaya naman nag-uunahan ang mga residente pag may dumating nang bisita, nagbabakasakaling may dalang ayuda. Isa ang namatay sa lugar dahil sa bagyo.

-- Ulat ni Jose Carretero

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.