PatrolPH

Nasa P2-M halaga ng shabu nasabat sa kulungan sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2020 05:27 AM

Nasamsam ng mga awtoridad ang nasa P2 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang raid na isinagawa sa municipal jail ng Guiguinto, Bulacan nitong Linggo.

Nagmula ang operasyon sa isang tip na ibinigay ng isang preso na patuloy ang mga transaksyon ng ilegal na droga sa bilangguan.

Nakuhanan ng 18 pakete ng hinihinalang shabu ang isa sa mga preso na kinilalang si Julius “Mayor” Francisco.

Nakapiit si Francisco dahil sa pagkakasangkot sa droga, at siyang itinuturo ng PNP na supplier ng droga sa loob ng selda.

Dalawang iba pang mga preso na kinilalang sina John Reynald Palileo at KhalMan “Jokjok” Llamosa ang naaktuhan naman na walang mga escort sa labas ng kulungan. Nakuhanan din sila ng tig-dalawang pakete ng hinihinalang shabu.

Sa Olongapo naman, nasa P714,000 na halaga ng shabu din ang nasamsam sa ikinasang buy-bust operation.

Huli ang target suspek na si Erickson Flores, at 13 sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 105 gramo ang nakumpiska mula sa kaniya.

Kinasuhan na ng paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act si Flores.--Ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.