PatrolPH

‘Nagmamaka-awa na po’: Dagdag pondo, agarang ayuda apela ng alkalde ng Virac

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2020 06:21 PM

‘Nagmamaka-awa na po’: Dagdag pondo, agarang ayuda apela ng alkalde ng Virac 1
Kitang-kita ang mapaminsalang epektong idinulot ng bagyong Rolly sa ari-arian sa Virac, Catanduanes. Jeff Canoy, ABS-CBN News

MAYNILA - Humihingi ng agarang tulong ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Virac sa Catanduanes para sa mga residenteng nawalan ng bahay at kabuhayaan sa pananalanta ng nagdaang bagyong Rolly.

“Doon sa national government, nagmamaka-awa na po pamahalaang lokal ng Virac, Catanduanes, sana naman po mabigyan ng prayorida at ng tulong agad-agad,” pahayag ni Mayor Sinforoso Sarmiento.

Tatlo katao ang nasawi matapos umanong maanod ng baha sa hagupit ng bagyong sumira rin sa nasa 75 porsiyento ng mga kabahayan sa bayan.

“Talagang grabe ang devastation na ibigay sa atin ni Rolly. Matindi ang pangangailangan ng mga kababayan natin sa Virac, Catanduanes,” sabi ng alkalde.

Ang mga ito ay ang pansamantalang matutulugan ng mga residenteng nawalan ng tirahan, pagkain, malinis na tubig at medisina.

Kailangan umano nila ng dagdag pondo dahil nagamit nila ang karamihan nito para sa COVID-19 response ng bayan.

“Kailangang, kailangan namin ng ayuda, relief para maiwasan yung looting, marami ang nagugutom, walang mailutong pagkain, yung shelter din,” sabi niya.

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.