Miyembro ng Philippine Coast Guard, patay sa pamamaril sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2020 04:33 PM

Patay ang isang miyembro ng Philippine Coast Guard matapos pagbabarilin sa Port Area, Maynila.

Patay ang isang miyembro ng Philippine Coast Guard matapos pagbabarilin nitong madaling araw ng Martes sa loob ng inuupahan niyang bahay sa Port Area, Maynila. 

Sa ulat ng Manila Police District, kinilala ang biktima bilang si Muktar Tahajid, 29, taga-Sumisip, Basilan.

Base sa paunang imbestigasyon, hinabol si Tahajid ng isang hindi pa nakikilalang salarin bago mag-alas-5 ng madaling araw sa may Barangay 650, Mel Lopez Boulevard.

Inabutan umano ang biktima sa loob ng kaniyang bahay saka pinagbabaril ng salarin.

Inaalam pa ng mga pulis ang motibo sa pamamaril at kung may kaugnayan ito sa kaniyang trabaho. 

Nahihirapan umano ang mga pulis na humanap ng testigo dahil walang kapitbahay na gustong magsalita sa insidente.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.