PatrolPH

Lalaking nanakit at nagkasa ng baril sa tinderong 'di makabayad ng utang arestado sa QC

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2020 06:45 PM

Lalaking nanakit at nagkasa ng baril sa tinderong 'di makabayad ng utang arestado sa QC 1
Sabi ni Mario Reyes, nagmamakaawa siya kay Vincent Ibañez dahil wala talaga siyang pambayad sa P3,200 na utang bunsod ng pandemya. Screenshot

MAYNILA — Arestado sa Quezon City ang isang lalaking nagmura, nanuntok at nagkasa ng baril sa isang tinderong sinisingil nito sa pagkakautang.

Sa video na kuha noong Undas, kita ang pagkompronta ng nagpapa-5-6 na si Vincent Ibañez sa kanyang sinisingil na may-ari ng karinderya na si Mario Reyes.

Ayaw na kasing pagbigyan ni Ibañez si Reyes, at kailangan na raw bayaran ng huli ang natitirang utang nito na P3,200, na sinisingil n'ya mula pa nang magsimula ang pandemya.

Tuloy-tuloy ang pagduduro, pag-dirty finger, at pagmumura ni Ibañez. Kaya't nang papaalis na ito ay nilapitan siya ni Reyes at nakiusap na huwag siyang pahiyain.

Sa barangay na lang daw sila mag-usap, lalo't lasing umano si Ibañez.

Dito lalong nagalit si Ibañez at sinapok sa mukha si Reyes na gumanti naman ng suntok.

Nilusob ni Ibañez si Reyes dala ang kaniyang baril na kasado na. 

Dito na tumawag ang mga concerned citizen sa barangay, na siya namang tumawag ng mga pulis na siyang umaresto kay Ibañez.

Kinasuhan na ang suspek ng grave threat, direct assault, at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Sabi ni Reyes, nagmamakaawa siya kay Ibañez dahil wala talaga siyang pambayad bunsod ng pandemya. 

"Dahil sa pandemya, wala po akong kita talaga. Kaya, nakikiusap ako sa kanya." —Mula sa ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.