Binatang nag-photoshoot sa 'indoor pool' ng binahang bahay sa Batangas, nag-viral

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2020 05:00 PM

Residents in Tierra Verde subdivision in Batangas City return to their homes on November 2, 2020 to clean up the mud and debris left by the chest-deep floods brought by Typhoon Rolly the previous day. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA - Nagawa ng isang 16-anyos na lalaki na lagyan ng kaunting saya ang naranasang pagsubok sa pananalasa ng bagyong Rolly sa Batangas City nitong Linggo.

 

Sa kuwento ni Victor Jose Tadia ngayong Martes, sinabi nitong tiniyak muna nilang hindi malalagay sa peligro ang buhay nang gawin ang isang photoshoot. 

“Sinigurado namin bago gawin yung picture,” sabi ni Tadia sa panayam sa TeleRadyo. Mataas aniya ang mga electrical sockets sa kanilang bahay.

Nag-viral sa social media ang mga larawan ni Tadia na tila nagre-relax sa mini-pool sa loob ng kanilang binahang bahay habang nanonood ng palabas sa TV. 

Humupa rin aniya ang baha makalipas ang higit sa tatlong oras, sabi ni Tadia.

Nakapaglinis na rin sila ng bahay at nagawa pang makatulong maglimas ng tubig-baha sa ibang bahay.

Simula nang ibahagi ni Tadia ang mga larawan sa Facebook noong Nobyembre 1, umani na ito ng higit sa 56,000 na reactions at lampas 84,000 din na shares.

Hindi na umano bago para kay Tadia ang ganitong eksena ng pagbaha sa kanilang bahay.

Aminado siyang minsan ay nakakatakot ang mga pagbaha, pero dagdag niya na “pangkaraniwan” na ito at “sanay” na din sila.

Sa Batangas ang pang-apat na landfall ng bagyong Rolly kung saan maraming mga bahay ang binaha dahil sa flashflood. 

Watch more in iWantTFC