'Akala ko mamamatay ako': Doktor ibinahagi ang karanasan sa hagupit ni 'Rolly'

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2020 03:35 PM | Updated as of Nov 03 2020 06:44 PM

Ayon sa Bayan Patroller na si Miggy Rodulfo, na doktor sa JMA Memorial District Hospital sa Bato, Catanduanes malawakang pinsala ang naiwan ng bagyong Rolly sa kanilang lugar. ABS-CBN News

MAYNILA - Nananawagan ng tulong ang isang doktor sa Catanduanes ngayong nawasak ang bahagi ng pinagtatrabahuan niyang ospital sa probinsiya. 

Ayon sa Bayan Patroller na si Miggy Rodulfo, na doktor sa JMA Memorial District Hospital sa Bato, Catanduanes, malawakang pinsala ang naiwan ng bagyong Rolly sa kanilang lugar. 

"I’m worried kasi ang dami pong sira 'yung buong isla so yun we need help po, anything na help," ani Rodulfo. 

Watch more in iWantTFC

Kuwento ni Rodulfo, agad silang naghanap ng masisilungan ng mga pasyente dahil natutuklap na ang bubong ng kanilang ospital.

"Kagabi pa ako naiiyak during the typhoon akala ko kasi mamamatay na talaga ako and that was my worry po," ani Rodulfo. 

"Na-secure namin sila sa iisang area na medyo takot na rin kami kasi baka magtuklapan na nga kasi nagtataasan na po yung bubong eh lumilipad na sila paunti unti kasi ang tagal po ng bagyo," dagdag niya. 

Sa video na ipinadala ni Rodulfo, makikita ang lakas ng hangin sa labas ng kanilang ospital noong kasagsagan ng bagyo. Maririnig din ang lakas ng hangin na humahampas sa mga dingding ng ospital.

Kita rin sa mga retrato ni Rodulfo sa San Andres District Hospital sa bayan ng Bato, Catanduanes ang mga nawasak na dingding ng ospital. Nakalbo ang mga puno, lumipad ang mga bubong at yero. Nagiba rin ang ilang sementadong dingding.

Nasira rin ang maraming kabahayan at establisimyento, dagdag niya. 

"From San Andres po sobrang daming sira po lahat ng bahay na nipa, sobrang sira tapos may mga bahay na totally washed out talaga na walang natira, may mga establishments na nasira… Then 'yung mga trak na malalaki, nagtumbahan din. Along San Andres syempre yung mga bukid wala ng trees talagang kalbong-kalbo na sila,” ani Rodulfo. 

Wala nang bubong ang ilang bahay, wala na rin ang mga tanim na bukid na pinagkakakitaan ng mga residente nang pumunta siya sa Sipi sa Bato. 

"Papuntang Bato sira lahat: Poste pero walang baha po walang nangyaring baha pero yung mga poste tapos halos sira lahat mga bahay.”

May ilan din aniyang mga pasyente sa ibang bayan na pumunta sa kanilang ospital para magpa-admit. 

Sa huli, panawagan ni Rodulfo ang tulong—mula sa makakain, tubig na maiinom, damit, gamot, at maibalik ang dating saya sa tinaguriang “Happy Island.” 

"Sa lahat po ng tutulong sa amin ngayon pa lang po maraming maraming salamat po, I’m asking po help for my kababayans po kasi sobra dami pong damage po… Tapos, if not too much to ask po, we’re asking for food, especially yung mga less fortunate po na tao na nawalan po ng bahay, marami pong nawalan ng bahay. Food, clothes po, tapos water din po kailangan namin. Then kung makakapagpadala din po kayo ng gamot… 'Yon, kailangan namin ng mga at least stocks… if meron lang, if wala ok lang. Food and water po," ani Rodulfo.

— Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.