Trapiko sa NLEX, SLEX sumikip dahil sa mga motoristang balik-Metro Manila

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2019 07:33 PM

Sumikip ngayong Linggo ang daloy ng trapiko sa North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX) dahil sa bugso ng mga motoristang bumabalik sa Metro Manila mula sa mga probinsiya lalo't tapos na ang Undas.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa NLEX, nagkaroon ng build-up ang mga sasakyan sa ilang bahagi ng southbound lanes.

Pumalo sa 320,000 ang bumiyahe pabalik ng Metro Manila na dumaan sa NLEX noong Sabado, ayon sa tala ng NLEX Command Center.

Nasa 50 hanggang 60 kilometers per hour (kph) ang bilis ng biyahe ng mga motorista sa Candaba Viaduct habang 60 hanggang 80 kph naman ang takbo ng mga sasakyan pagdating sa may Santa Rita, Pampanga hanggang Bocaue, Bulacan.

Nagpabagal din sa usad ng trapiko sa NLEX ang pagtirik ng ilang sasakyan.

Bumigat din ang daloy ng trapiko noong umaga ng Linggo matapos maaksidente ang isang bus sa Balintawak area pero agad din itong naialis ng mga tauhan ng NLEX.

May naitala ring aksidente ngayong Linggo sa southbound lane ng NLEX sa Mexico, Pampanga pero naialis na rin.

Tinatayang nasa higit 200,000 motorista ang bibiyahe sa NLEX hanggang hatinggabi ng Lunes.

Posible umanong tumagal ang mabigat na trapiko sa southbound lanes hanggang hatinggabi.

Inaasahang alas-4 ng madaling araw sa Lunes ulit mag-uumpisa ang mga build-up ng mga sasakyan sa NLEX.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, bandang 5:25 ng hapon ngayong Linggo, umabot na sa San Pedro, Laguna ang tail-end o dulo ng trapiko sa northbound lane ng SLEX.

Sa southbound lane, nagkaroon ng trapiko sa Sucat hanggang Alabang dahil sa pagbukas ng zipper lane.

Nag-umpisa ang masikip na trapiko sa SLEX alas-10 ng umaga.

Nakaranas rin noong Sabado ng build-up sa SLEX simula pasado ala-1 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi.

Inaasahan ng pamunuan ng SLEX ang tuloy-tuloy na mabigat na daloy ng trapiko dahil sa pag-uwi ng mga taong galing ng mga probinsiya.

May dagdag-seguridad, emergency medical assistance, at towing services ding ikinalat sa SLEX para magbigay tulong sa mga motorista.

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaasahan din ngayong Linggo ang pagdagsa sa mga bus terminal ng mga pasaherong galing probinsiya.

Subalit sa pagbabanatay ng ABS-CBN News, halos wala pang gaanong mga pasaherong nagsisidatingan sa mga bus terminal.

Sa Araneta Center Bus Terminal, nasa 150 bus ang naitalang dumating mula alas-6 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon.

Karamihan sa mga dumating na bus ay galing Bicol at Samar, sabi ng pamunuan ng terminal.

Nasa 100 pasahero ang naitala ng Quezon City Police District sa terminal alas-5 ng hapon.

Mas pinili kasi ng ibang pasahero na bumaba na lang sa mas malapit sa kanilang destinasyon kaysa sa mismong terminal, ayon sa pamunuan ng ilang bus company.

Tinatayang nasa 5,000 pasahero umano ang inaasahang magbabalik-Maynila na galing sa mga lalawigan matapos ang Undas.

-- Ulat nina Angel Movido at Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.