ILIGAN CITY - Dumating ang daan-daang tagasuporta, pamilya at kaibigan ni Clarin, Misamis Occidental Mayor David Navarro para sa huli nilang pamamaalam sa alkalde sa kaniyang libing Linggo.
Nagbitbit din ang ilang mga residente ng placards kung saan nakasulat ang kanilang pasasalamat sa serbisyo ng alkalde, maging ang kanilang paghingi ng hustisya sa pagkamatay nito.
Sa necrological service, sinabi ng asawa ni Navarro na nalinis na ang pangalan nito matapos maunang masama sa listahan ng mga umano'y "narco-politician." Hindi rin umano ito sangkot sa pagnanakaw.
Nagpahayag din ng pagkakadismaya ang asawa ng pinaslang na alkalde dahil namatay ito habang nasa kustodya ng mga pulis.
Ayon sa kapatid ng alkalde na si Dan Navarro, natutuwa sila na ang National Bureau of Investigation (NBI) ang magi-imbestiga sa insidente at umaasa na magiging patas ito.
Sa kabila nito, ikinalungkot rin nila ang umano'y pilit na pag-awtopsiya sa bangkay ng alkalde dahil maari umanong maka-apekto ito sa pag-iimbestiga ng NBI.
Sa susunod na linggo ay dadaluhan ng pamilya ang reenactment ng pag-ambush kay Navarro.
Inilibing si Navarro sa loob ng compound ng kanilang bahay.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.