Pagkahulog ng trak sa Apayao na kumitil sa 19 buhay iniimbestigahan na

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2019 03:40 PM | Updated as of Nov 04 2019 09:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

CONNER, Apayao — Nagsimula na ang imbestigasyon ng mga awtoridad ukol sa malagim na aksidente dito kung saan 19 ang nasawi nang mahulog sa bangin ang isang Elf truck noong Huwebes.

Nitong Linggo, sinabi ng Land Transportation Office (LTO) na umaarangkada na ang kanilang pag-iimbestiga, at isa sa mga nakikita nilang dahilan ng aksidente ay overloading. 

Bukod kasi sa 19 patay, 21 pang iba ang nasugatan.

Papuntang Rizal, Cagayan para kumuha ng corn seeds ang mga biktima - na pawang mga magsasaka - nang mangyari ang aksidente, ayon sa Conner Municipal Police Station.

Ipapamahagi sana ang mga binhi ng Department of Agriculture (DA) bilang tulong sa mga magsasakang apektado ng rice tariffication.

IKALAWANG BUHAY

Para naman sa ilang nakaligtas sa aksidente, malaki ang pasasalamat nila para umano sa kanilang "ikalawang buhay."

Si Randy Bayaua, nakatalon mula sa truck nang mapansin na namatay na ang makina nito. 

Samantala, nagpaabot na ng tulong-pinansiyal ang DA-Region 2 at lokal na pamahalaan para sa mga biktima.

Pero giit ng mga kaanak, hindi matutumbasan ng anumang halaga ang pagkawala ng mahal sa buhay.

Inihahanda na rin ng pulisya ang reklamo laban sa driver na nasa ospital pa rin at nagpapagaling. — Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.