Mga ospital sa Cotabato problemado sa pag-aalaga sa mga pasyente

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2019 04:02 PM | Updated as of Nov 03 2019 05:53 PM

Problemado ang mga pagamutan sa Cotabato dahil sa tent muna sila namamalagi matapos mapinsala ng mga lindol ang kanilang mga gusali. AFP

Namomroblema na ang mga ospital sa Cotabato sa pangangalaga sa mga pasyente na patuloy na nananatili sa mga tent matapos masira ng lindol ang kanilang mga gusali.

Sa Kidapawan Medical Specialists Center, ang pinakamalaking ospital sa lungsod, 6 na tao ang kritikal, kabilang ang isang sanggol na maagang ipinanganak ng kaniyang ina noong gabi ng Sabado, sa gitna ng mga patuloy na pagyanig.

"Kasi umuulan kapag gabi, mainit na mainit kapag araw, so 'yong kaniyang temperature baka hindi namin ma-maintain," anang pediatrician na si Dr. Baby Ann Taposok ukol sa agaw-buhay na sanggol.

"'Yong paghinga ng baby 'yon ang problema kapag premature, ang kanilang lungs hindi pa kumpleto," ani Taposok.

Ayon sa ina ng sanggol na si Edlyn Macapobre, napaanak siya nang maaga dahil na rin sa mga lindol.

Ang panalangin niya'y makaligtas umano sila sa loob ng tent ng anak niya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Lumala naman umano ang kondisyon ng stroke patient na si Edgar Balinas dahil sa mga sunod-sunod na pagyanig.

"Sana ayos na siya. Nilabas na ng [intensive care unit] pero because of that lindol nag-trigger, nag-lock jaw, ang taas ng lagnat," sabi ng misis nito na si Judine Balinas.

Ayon sa nurse na si Marissa Daganato, lalong malalantad sa impeksiyon at mga sakit ang mga pasyente at kanilang kaanak habang nananatili sa mga tent.

Kulang na rin sila sa palikuran at mga pasilidad para sa mga sensitibong medical procedure gaya ng chemotherapy at mga major surgery.

Walang pinagkaiba ang situwasyon sa mga ospital sa bayan ng Makilala.

May mga bata nang sumasakit ang tiyan dahil daw sa kakulangan ng malinis na tubig na maiinom.

Ang ibang kritikal na pasyente ay dinadala sa mga ospital sa Davao City.

Binabantayan din ng mga awtoridad ang posibleng pagkalat ng mga sakit sa evacuation centers.

Ayon kay Cotabato acting vice governor Sherlyn Macasarte, bukod sa pagkain, kailangan din nila ng tulong sa mga nawalan ng tahanan.

Nasa 35,661 pamilya na ang apektado ng lindol, katumbas ng 178,305 indibidwal, ayon sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Dalawampu't isa na ang patay, 432 ang sugatan, at 2 ang nawawala, ayon sa NDRRMC. —Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.