Mangingisda sugatan sa atake ng buwaya sa Palawan

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2019 02:52 PM

Sugatan ang isang lalaking mangingisda matapos atakihin ng buwaya sa bayan ng Bataraza, Palawan, ayon sa pulisya.

Kinilala ng pulisya ang biktima bilang si Hairal Halon Jaapal, isang 52 anyos na mangingisda mula Barangay Tagolango.

Bandang alas-11 ng gabi noong Biyernes, hinahatak umano ng biktima ang bagong gawang bangka sa may dagat dahil high tide nang bigla siyang atakihim ng buwaya, ayon sa imbestigasyon ng pulisya.

Nanalaban ang mangingisda sa buwaya kaya nakatakas at nakahingi ng tulong sa mga kasamahan.

"During high tide po ay nasa baywang na po nila 'yong tubig. So, malamang hindi nila naaninag 'yong buwaya na lumangoy sa ilalim ng tubig," ani Police Lt. Col. Socrates Faltado, hepe ng public information office ng Mimaropa police.

Nagtamo ng mga sugat sa kanang hita ang biktima, na itinakbo sa ospital sa bayan ng Brooke's Point.

Ayon kay Jaapal, nasa higit 10 talampakan ang buwayang umatake sa kaniya.

Noong nakaraang linggo, nagsagawa ng education campaign sa bayan ng Balabac ang Palawan Council for Sustainable Development.

Kabilang sa mga itinuro sa mga residente ang mga paraan para makaiwas sa atake ng buwaya gaya ng paglayo sa tabing-ilog o pampang, lalo kapag gabi. -- Ulat ni Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.