DSWD, iginiit na sapat ang tulong nila sa quake victims

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2019 05:39 PM | Updated as of Nov 03 2019 07:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAKILALA, Cotabato — Nanindigan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sapat ang ayuda na ibinibigay nila sa mga nasalanta ng serye ng lindol sa Cotabato at iba pang parte ng Mindanao.

Ginawa ng ahensiya ang paglilinaw matapos ang pagpunta sa kalsada at pamamalimos ng maraming residente sa Makilala, Cotabato.

Bitbit ang kanilang placards kung saan nakasulat ang kanilang mga pangangailangan, agaw-pansin ang mga residenteng nagmamakaawa sa mga motorista maabutan lang ng ayuda.

Pero giit ng DSWD, may ibinigay silang "disaster family access card" sa mga nasa evacuation center. Ang problema anila, wala sa itinalagang evacuation centers ang mga namamalimos.

"Kung magbigay kami sa kalsada, delikado madaanan kami, madisgrasya kami... Pangalawa, hindi namin mado-document kung ilan nabigyan natin," paliwanag ni Joel Espejo, regional director ng DSWD-Region 12.

Hinala pa ng DSWD, posibleng may grupo na nag-uudyok sa ilang residente para magpapansin sa kalsada.

"Ang iba po diyan nananamantala at ginagamit po sila para maka-create ng ingay at [gumawa ng] negative impression sa ating gobyerno," sabi ni Espejo.

Pero pinasinungalingan ito ng mga residenteng desperado na sa ayuda.

"Gumawa na lang kami ng paraan para makakain kami bawat isa dito... Kailangan namin dito gamot, trapal, bigas mga tubig," sabi ni Sonny Cruz.

"Hindi kami mapansin sa barangay pag magpunta kami doon, kailangan namin ng ganyan para mabigyan kami," ayon naman kay Grace Salinas.

"Para mabigyan kami ng atensyon, bigyan kami ng tulong," ani
Heidee Samonte.

Paki-usap naman ng DSWD, lumipat na ang mga residente sa evacuation center para sa rasyon ng tulong.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.