MAYNILA — Nagpupumiglas pa ang isang Chinese national matapos siyang arestuhin ng mga awtoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kasama ang 7 pa niyang kababayan sa tangka umanong kidnapping.
Kinailangang pang kaladkarin ang naturang Chinese dahil ayaw magpahuli sa pulisya.
Bukod sa 8 Chinese national, huli rin ang umano'y kasabwat nilang Pinoy driver.
Sabi ng mga awtoridad, napansin nila ang komosyon sa Terminal 3 ng NAIA noong Biyernes ng madaling araw. Tangka palang kikidnapin ng grupo ang kapawa nila Chinese.
"Nakita namin na hawak-hawak na nila 'yung biktima na pinipilit isakay," sabi ni Jesus Ayco, airport police ng NAIA.
Depensa naman ng mga Chinese na inaresto, iniimbitahan lang nila ang biktima dahil sa pagkakautang matapos matalo sa sugal.
Pumalag din ang Pinoy sa pagkakadamay.
"Basta sa 'kin alam ko sa sarili ko, wala akong kinalaman. Nagda-drive lang naman ako as a company driver," giit ng Pinoy driver.
Nahaharap sa patong-patong na kaso ang mga Chinese na pawang mga empleyado sa POGO, maging ang Pinoy driver.
—Ulat ni Michael Joe Delizo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.