4 hinihinalang carnapper patay sa engkuwentro sa Bulacan

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2019 02:45 PM | Updated as of Nov 03 2019 05:50 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Apat na umano'y carnapper ang patay matapos makipagbarilan sa pulisya sa bayan ng Plaridel, Bulacan nitong Linggo.

Rumesponde ang pulisya matapos makatanggap ng ulat ng pagnanakaw ng sasakyan sa Barangay Banga Dos, ayon kay Central Luzon Regional Police director Brig. Gen. Leonardo Cesneros.

Ayon sa biktima, 2 lalaki ang humarang sa kaniya nang pabalik siya sa kaniyang sasakyan matapos bumili sa isang convenience store.

Tinutukan umano siya ng baril at hiningi ang susi ng kaniyang sasakyan. Dagdag niya, pinadapa siya at sinipa pa.

Itinimbre sa checkpoints ang carnapping. Nang maispatan ang isang Toyota Vios na may plakang AHA 2068, sinundan ng pulisya ang sasakyan hanggang sa may NIA Road, Barangay Bagong Silang.

Nang may makasalubong na police mobile, agad umanong bumaba ang mga suspek at pinaputukan ang pulisya. 

Hindi alam ng mga suspek na may mga pulis na nakasunod sa likuran nila at dito na nauwi sa engkuwentro ang operasyon.

Nakabulagta ang 3 lalaki habang nahulog naman sa irrigation canal ang isa pang suspek

Wala pang pagkakakilanlan ang mga suspek na nakuhanan ng isang kalibre 45, 1 Uzi sub machine gun, at 2 kalibre 38.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.