PatrolPH

SOCO: 58 anyos lalaki pinagsasaksak, pinutol ang ari

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2018 02:45 PM

 

Tadtad ng saksak at putol ang ari nang datnan ng mga awtoridad ang bangkay ng 58 anyos na si Prudencio Balicat sa Bacarra, Ilocos Norte noong Enero 16, 2017.

Kabilang sa mga ebidensiyang narekober sa crime scene ang motorsiklo ng biktima, isang sukbitan ng kutsilyo, at baril.

“Iyung motor po ng biktima, nakabalagbag po,” ayon kay Senior Inspector Grandeur Tangonan ng Bacarrra police.

Ayon sa autopsy, 15 saksak ang tinamo ng biktima. Pero mas nagulantang ang mga awtoridad nang matuklasang pinutol ang maselang bahagi ng katawan ng lalaki.

“Bakit di mo na lang paluin, di mo na lang saksakin? Kumbaga, may galit. Iba 'yung galit [ng suspek],” ani Tangonan.

Kinilalang mabait, matulungin, at masipag si Balicat ng kaniyang mga kapamilya at kaibigan. Halos walang maipintas sa kaniya, maliban sa pagkahilig nito sa babae.

Nalaman ng mga awtoridad ang pinanggalingan ng biktima bago mangyari ang krimen sa impormasyon mula sa isa sa mga naging babae ni Balicat na si alyas "Helen."

“Nakuha natin sa isang babae, sa isang paramour niya. Very cooperative siya na magsabi. Hindi siya naiilang. Sabi nga niya, kahit mag-witness pa [siya],” sabi ni Tangonan.

Sa pakikipag-usap ng pulisya sa babae, lumutang ang pangalan ni Reynald Bungacayao, bouncer sa pinapasukang bar ni Helen. Ayon sa kapatid ng biktima na si Esperanza, matalik na magkaibigan raw sina Bungacayao at Balicat.

“Itong biktima kasi tsaka 'yung Reynald, magkaribal sa babaeng ito (Helen). Siyempre nakuha [ni Balicat] kasi mapera nga 'yung biktima natin. It so happened na nainggit ba at lalong-lalo nang sumama ang loob nung nililigawan na [ni Reynald], naging babae pa nitong biktima,” ani Tangonan.

Natukoy na matador si Bungacayao. Sa autopsy report, malinis at eksakto ang sugat ng biktima.

“Yung pagkakasaksak sa kaniya, hindi lang basta-basta patalim na 'yung mapurol. 'Yung pangkatay talaga kasi matalas 'yung baon eh,” sabi ni Tangonan.

Dito na naging suspek ang matalik na kaibigan ng biktima.

Dahil sa ilan pang sirkumstansiya at ebidensiya, dinakip ng mga awtoridad si Bungacayao.

Patuloy namang itinatanggi ng suspek na may kinalaman siya sa krimen.

Nagluluksa at naghahanap ng hustisya ngayon ang mga kaanak ni Balicat sa kaniyang sinapit.

“Parang hindi namin matanggap na namatay. Hanggang ngayon,” banggit ni Esperanza.

Sundan ang buong kuwento sa unang Sabado ng ika-13 taong espesyal na pagtatanghal ng “SOCO: Scene of the Crime Operatives” ngayong Sabado, 4:15 p.m. sa ABS-CBN.

Para sa karagdagang detalye, sundan ang “SOCO” sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.