Peligrosong bato sa may landslide site sa Natonin, pinasabog

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2018 11:09 AM

NATONIN, Mountain Province - Pinasabog Sabado ng umaga ang isang malaking bato sa itaas ng lugar na tinamaan ng landslide sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Rosing sa bayang ito. 

Ayon sa awtoridad, delikado ang bato at posibleng bumagsak sa mga volunteer at rescuer na patuloy ang paghahanap sa ilan pang nawawala sa pagguho ng ginagawang gusali ng Department of Public Works and Highways sa lugar noong Martes. 

Hindi makapagpatuloy ang search at retrieval operations hangga’t ‘di naiaalis ang bato sa itaas ng bundok.

Ayon kay Natonin Mayor Mateo Chiyawan, tatlong bato ang alanganin at posibleng gumuho anumang oras.

Biyernes ng umaga nang makagawa ng butas sa landslide area kaya napapasok na ang mga sasakyan sa Barangay Banawel, ang itinuturing na ground zero. 

Martes nang gumuho ang ginagawang gusali ng DPWH sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Rosita kung saan natabunan ang ilang construction worker at mga residente.

Nitong Biyernes, nasa 11 isa na ang kumpirmadong patay habang nasa 17 hanggang 18 pa ang nawawa. 

- may ulat ni Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.