'Ground floor' ng gumuhong gusali ng DPWH sa Natonin, natumbok na

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2018 06:36 PM

Natumbok na ng retrieval team nitong Sabado ang isang bahagi ng gumuhong gusali ng Department of Public Works and Highways (DSWD) sa Natonin, Mountain Province na nilamon ng landslide sa kasagsagan ng bagyong Rosita.

"According sa survivor, 'yung unang groups na na-washed out are from the third floor and 'yung 30 percent ng naiwan nasa ground level so baka sila 'yung nasa baba,’’ ayon kay Lieutenant Colonel Narciso Nabulneg, incident commander.

Pinaniniwalaang ang "ground floor" ng gumuhong gusali ang nakita ng team.

Sa pagpapalawak ng sakop ng retrieval operations, dalawang bangkay pa ang narekober higit isang kilometro mula sa ground zero.

Pinalawig ng lokal na pamahalaan ng Natonin ang ops sa hiling na rin ng mga kaanak ng mga biktima.

Hanggang nitong hapon ng Sabado nasa 16 ang bilang ng mga narekober na bangkay sa landslide.

Dumating na ang mga heavy equipment kaya inaasahang mapapabilis ang paghahanap sa higit 14 iba pang nawawala.

May ilan na hindi pa nawawalan ng pag-asang makitang buhay ang mga nawawalang kaanak.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.