Barangay kagawad na suspek sa pananaksak sumuko na

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2018 02:30 PM

Dala ng suspek sa kaniyang pagsuko sa pulisya ang ginamit sa pananaksak sa mag-pinsang biktima. Karren Canon, ABS-CBN News

CASTILLA, Sorsogon - Sumuko sa pulisya Sabado ng umaga ang isang barangay kagawad na nanaksak sa mag-pinsang kabarangay.

Dala ni Kagawad Jason Llanilo ng Barangay Maypangi ang kutsilyong ginamit sa pananaksak sa mga biktimang sina Regino Agripa at ang anak ng punong barangay na si John Marchan.

Nakauwi na sa kanilang mga bahay ang mga biktima matapos magamot sa ospital.

Ayon sa suspek, nag-ugat ang insidente noong Biyernes nang pagsabihan niya ang tiyuhin ng mga biktima na nagmura sa kaniya.

Nagsumbong ang tiyuhin kay Agripa kaya umano siya sinugod nito sa kanilang bahay.

Dagdag ng suspek, nagdilim ang kaniyang paningin kaya nasaksak niya ito at ang umawat na pinsan na si Marchan.

Inamin niyang nakainom siya nang mangyari ang insidente.

Nagsisisi ngayon si Llanilo lalo pa't siya ang chairman ng peace and order committee sa kanilang barangay.

Sa kabila nito, hindi na magsasampa ng reklamo ang mag-pinsan, pero gusto nilang sagutin na lang ng kagawad ang gastusin sa kanilang pagpapagamot.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.