PatrolPH

Kaanak ng SAF44, aapela sa Korte Suprema para mapanagot si Noynoy

ABS-CBN News

Posted at Nov 03 2017 09:15 PM

Hihilingin ng ilang pamilya ng SAF44 at ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa Korte Suprema na baguhin ang naunang desisyon ng Office of the Ombudsman kaugnay ng kaso sa 2015 Mamasapano massacre. 

Hindi kasi sila sang-ayon sa desisyon ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na ibasura ang kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and physical injuries laban kina dating Pangulo Benigno "Noynoy" Aquino III, dating PNP Chief Alan Purisima at dating Special Action Force (SAF) Director Getulio Napeñas.

Ang 46 na pahinang petisyon para sa certiorari with prayer for temporary restraining order and preliminary injunction ay nakahanda na, ayon sa VACC.

Nais nina Felicitas Nacino at Helen Ramacula, mga ina ng napatay na SAF members, at ng VACC, na ipawalang bisa ang naunang naging desisyon ng Ombudsaman.
 
Hinihiling din ng kampo na pigilin muna ang pagdinig hanagga't di pinapakinggan ang kanilang petisyon.

Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, ang naunang desisyon ng Ombudsman ay patunay lamang na pinoprotektahan nito si Aquino.

Tatlong taon na ang nakalilipas ngunit emosyonal pa rin ang ilang pamilya ng SAF44 at patuloy pa ring nanawagan ng hustisya.

--Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.