PatrolPH

Malawakang pagbabakuna ng mga menor de edad umarangkada sa ilang lugar

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2021 12:40 PM | Updated as of Nov 02 2021 07:27 PM

Watch more News on iWantTFC

(UPDATE) Sinimulan ngayong Martes ang malawakang pagbabakuna kontra COVID-19 ng mga menor de edad sa ilang lugar sa Metro Manila at Iloilo City.

Ito ay mas maaga nang 1 araw sa November 3 na pagsisimula ng malawakang COVID-19 vaccination ng mga menor de edad, na itinakda ng National Vaccination Operations Center (NVOC).

Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, head ng NVOC, nasa local government unit na kung babaguhin ang istratehiya sa pagbabakuna sa mga menor de edad basta nasusunod ang unti-unting pagpapalawak nito.

Bago nito, tanging mga may edad 12 hanggang 17 na may comorbidity lang ang binabakunahan laban sa respiratory illness.

Sa Navotas, sinimulan na ang pagbabakuna sa general pediatric population sa Navotas City Hospital, ayon kay Mayor Toby Tiangco.

Ipinaliwanag ni Navotas City Health Officer Dr. Christia Padolina na maaga nang pinalawig ang pagbabakuna ng mga menor de edad dahil mababa ang bilang ng mga nagparehistrong may comorbidity.

"Para hindi naman sayang ‘yong venue, ‘yong ating doktor na andito, saka ‘yong pinaka-vaccination site, minabuti namin na yesterday, in-open na namin... sa rest of pediatric population," ani Padolina.

Simula Miyerkoles, 3 vaccination site na ang itatalaga para sa lahat ng mga menor de edad, kahit walang comorbidity.

Nasa 900 ang maaaring i-accommodate o 300 kada vaccination site.

Maaari umanong pumili ang magpapabakuna ng vaccination site at schedule pero ipinagbabawal ang walk-in.

Puwede na rin umanong sumabay na magpabakuna ang mga magulang na hindi pa natuturukan.

Inumpisahan na rin ang malawakang pagbabakuna ng pediatric population sa Taguig City.

Sa Lakeshore Hall sa Lower Bicutan isinagawa ang pagbabakuna, kung saan target maturukan ang 500. Bandang tanghali, umabot na sa 300 na menor de edad ang nabakunahan.

Bukod sa mga residente, bukas din ang bakunahan sa mga hindi taga-Taguig pero nag-aaral sa lungsod.

Dapat lang mag-upload ng ID o dokumento na nagsasaad ng edad at address ng eskuwelahan.

Pinilahan din ang pagbabakuna ng mga menor de edad sa Iloilo City, na umarangkada rin ngayong Martes.

Nagpapasalamat si Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa magandang tugon ng mga residente sa pagbabakuna sa mga bata.

Bukas din aniya ang pila sa vaccination para sa mga estudyante sa siyudad kahit hindi residente.

Target ng Pilipinas na mabakunahan ang 77 milyon ng populasyon para makamit ang herd immunity kontra COVID-19.

Sa huling tala, higit 27 milyon na ang maituturing na fully vaccinated laban sa sakit.

— May ulat nina Vivienne Gulla at Jeck Batallones, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.