PatrolPH

Tulong hatid sa evacuees sa Aurora, Nueva Ecija

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2020 08:09 PM

Tulong hatid sa evacuees sa Aurora, Nueva Ecija 1
Hinatiran ng ABS-CBN ng mga food pack ang mga residente ng Dingalan, Aurora na lumikas dahil sa banta ng bagyong Rolly. ABS-CBN News

Balot ng nerbiyos si Maria Agui ng Barangay Paltic sa Dingalan, Aurora nang mag-impake siya ng mga gamit na babaunin sa evacuation center bilang paghahanda sa pagdating ng bagyong Rolly.

Tuwing may paparating kasing bagyo, bumabalik sa kaniya ang alaala ng trahedyang idinulot sa kaniyang pamilya ng bagyong Violeta at Winnie noong 2004.

"Kapag naalala ko 'yon, sumasama po loob ko... doon po nawala ang aking magulang," ani Agui.

Para hindi na maulit ang masamang karanasan, maagang pinalilikas ni Agui ang kaniyang pamilya.

"Alam na namin ang gagawin namin kapag masama ang panahon," aniya.

Lumikas din agad ang 65 anyos na si Anita Pupa kasama ang kaniyang mga anak at apo dahil nasa gilid mismo ng dagat ang kanilang bahay.

"Kapag lumaki at sumampa ang alon, abot talaga ang kubo namin," ani Pupa.

Halos mapuno ng mga nakatira sa mga baybayin ang mga evacuation site.

Nagdala ng relief goods at lutong pagkain ang ABS-CBN sa mga lumikas sa Dingalan municipal evacuation center, Dingalan National High School, at Butas na Bato Elementary School.

Sa kasagsagan ng malakas na hangin at ulan noong gabi ng Linggo, may mainit na tinolang pinagsaluhan ang nasa 500 evacuee.

Malaking hamon din ang pagpapatupad ng health protocol sa mga evacuation center para mapanatiling COVID-free ang Dingalan.

Nitong Lunes, matapos magtulong-tulong maglinis ng evacuation centers, nagsimula nang bumalik sa kani-kanilang lugar ang mga residente.

Samantala, nagdala rin ang ABS-CBN Foundation ng tulong sa mga evacuee mula sa 5 barangay sa Gabaldon, Nueva Ecija.

Karamihan sa mga tinulungan ay mga Dumagat na nakatira sa tabing-ilog.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.