Super typhoon Rolly naghasik ng lagim sa Bicol region; tulong ipinanawagan

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2020 07:42 PM | Updated as of Nov 02 2020 09:53 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA – Malaki ang pinsala ng bagyong Rolly sa rehiyon ng Bicol kung saan nagpakawala ng kaniyang bagsik ang naturang super typhoon noong weekend.

Madaling araw noong Linggo nang magsimulang lumakas ang hangin sa Legazpi City, Albay. 

Sa Camalig naman, rumagasa ang napakalakas na baha sa Barangay Ilawod, na nakuhanan ng video ni Bayan Patroller Loren Jay Miraran.

Watch more in iWantTFC

LAHAR NAMERWISYO

Nakuhanan din ng video ang pinsalang dulot ng lahar sa mga tindahan sa loob ng Cagsawa Ruins, kung saan marami sa kanila ang nalubog.

Isa sa labis na nasalanta ng lahar ang Barangay San Francisco sa Guinobatan, Albay. Tila nagmukhang disyerto na puno ng malalaking bato at buhangin ang dating komunidad sa Purok Siete.

Kuwento ng mga residente, pasado alas-8 ng gabi Linggo, sa kasagsagan ng bagyong Rolly nang bumuhos ang lahar.

Nagtulong-tulong naman ang mga rescuer sa pagkuha sa bangkay ng isang babae na natabunan ng lahar. Nakapulupot pa ang katawan nito sa puno ng niyog.

Sa tala ng Guinobatan disaster office, nasa 3 na ang patay sa kanilang bayan, isa rito ay sa Barangay Travesia habang ang dalawa ay mula sa Barangay San Franciso. Dalawa pa ang nawawala.

DUTERTE BUMISITA

Nitong Lunes ng hapon, nag-ikot sa bahagi ng Catanduanes si Pangulong Rodrigo Duterte. Bumaba rin siya sa Guinobatan.

Pagbaba sa Guinobatan, nakipag-usap ang Pangulo sa mga residente. Ipinaabot ng mga residente ang pag-aalala sa quarry sa lugar, na umano'y dahilan ng baha at lahar.

Ayon kay Sen. Bong Go, paiimbestigahan ito ng Pangulo. 

LENI NASA CAMSUR

Sa Camarines Sur naman, sari-saring pinsala ang tumambad sa mga residente matapos ang nasa walong oras na pagbayo ni Rolly.

Sa Balatan, halos hindi na matanaw ang paligid.

Binaha rin ang ilang coastal barangay dahil sa storm surge at high tide.

Nasira ng alon ang breakwater, pantalan, at mga bahay sa Barangay Sabang, Calabanga na nakaharap sa San Miguel Bay.

Nabuwal ang maraming puno at pinadapa ang mga tanim na mais at saging.

Nalubog sa baha ang maraming bayan dahil sa pag-apaw ng mga ilog kabilang na ang Bicol River basin.

Hindi ngayon madaanan ng maliliit na sasakyan ang Maharlika Highway sa Nabua, Camarines Sur patungong Albay dahil sa hanggang tuhod na baha.

Nagsagawa ng relief operations si Vice President Leni Robredo, na personal na nagtungo sa Camarines Sur. 

– Ulat nina Jose Carretero at Jonathan Magistrado

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.