'Parang katapusan na ng mundo': Katimugan ng Quezon napuruhan kay 'Rolly'

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2020 08:07 PM | Updated as of Nov 02 2020 08:19 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA – Napuruhan sa bagyong Rolly ang timog na bahagi ng Quezon province kung saan nasa 100,000 residente ang lumikas.

Partikular na tinungo ng News team ang San Narciso, kung saan pangatlong beses nag-landfall ang bagyong Rolly.

Nagkabitak-bitak ang lupa sa isang barangay dahil sa lakas ng alon at ang mga residente ay umakyat pa sa bundok para makalikas.

Anim na oras humagupit ang bagyong Rolly sa bayan ng Mulanay sa Quezon.
 
Sa lakas ng hangin, tinangay ang bubong ng isang bahay at sumabit pa sa puno. Umabot din ang alon sa mga bahay kaya napuno ng putik pati ang kalsada.

"Parang katapusan na ng mundo, hindi namin alam gagawin. Sana 'wag na dumaan mga bagyo kasi 'kaka-phobia na," ayon kay Julan Icaro, residente. 

Ngayong lumipas na ang bagyo, problema naman nila ang ikabubuhay dahil nakalbo ang mga puno ng saging na pinagkukuhanan ng kita.

Sa Catanauan, Quezon, malakas din ang hangin at ulan kaya nagmukhang ilog ang isang palayan dahil sa baha.

Pinayagan naman nang makauwi ang mga lumikas.

Sa ngayon ay nagsasagawa na ng damage assessment ang provincial government ng Quezon.

–Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.