Mga lumikas sa Maynila dahil kay 'Rolly' nagsiuwian na

ABS-CBN News

Posted at Nov 02 2020 05:56 PM

MAYNILA — Nakauwi sa kanilang mga tahanan bandang alas-9 ng umaga nitong Lunes ang 1,008 pamilya o 4,128 indibidwal mula Maynila matapos lumikas nang ipatupad ang forced evacuation sa Isla Puting Bato at Baseco Compound sa Tondo, Maynila noong Linggo bago ang hagupit ng bagyong Rolly. 

Ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Manila Police District ang nagpatupad ng paglikas. 

Ayon kay Arnel Angeles, director ng MDRRMO, tuwing may bagyo, prayoridad nila na mailikas ang mga taga-Isla Puting Bato at Baseco dahil iyon umano ang mga paligid ng port area kaya mataas ang tiyansa ng pagbaha o flash floods.

Sa Rosauro Almario Elementary School nagpalipas ng magdamag ang 157 pamilya mula sa Isla Puting Bato habang 97 na pamilya mula rin sa lugar ang tumuloy naman sa Isabelo Delos Reyes Evacuation Center.

May mga lumikas din sa Barangay 105, Barangay 101 Covered Court, Barangay 128 Complex, at sa Baseco Evacuation Center. 

Ayon kay Ma. Raquel Tubale, OIC ng District 1, Manila Department of Social Welfare (MDSW), isang pamilya lang ang pinayagan sa kada modular tent para mapanatili ang physical distancing.

Siniguro naman ng Manila Health Department na hindi ihahalo ang evacuee kung mataas ang temperatura nito o kung may sintomas ng COVID-19. 

Sa lahat ng evacuees, isang 6 na buwang gulang na sanggol mula sa Rosauro Almario ES ang sumailalim sa swab test sa Justice Jose Abad Santos General Hospital matapos umanong mahirapang huminga. 

Nag-uwi naman ang lahat ng lumikas na pamilya ng mga food box mula sa MDSW na may lamang bigas, kape, noodles at delata. 

Wala namang naitalang pinsala sa lungsod na suwerteng hindi seryosong tinamaan ng bagyo.

–Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.